Inakusahan ng lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Quiboloy ang Amerika na nais umano siyang i-"eliminate" sa pamamagitan ng "rendition," at sinasabing kasabwat ang gobyerno ng Pilipinas. Umaasa naman ang US, na kakaharap ni Quiboloy ang kaniyang mga kaso.
Sa audio recording na naka-post sa Facebook nitong Miyerkules, sinabi ni Quiboloy na may nagbigay sa kaniya ng impormasyon na kumikilos umano ang mga ahensiya ng Amerika-- gaya ng Central Intelligence Agency (CIA) at Federal Bureau of Investigation (FBI) -- para magsagawa ng "rendition" laban sa kaniya sa halip na extradition.
"Ayaw na raw po nila ng extradition treaty. Ang kanila pong gagawin ng CIA, FBI, ng US Embassy, at State Department, kasabwat ng ating gobyerno ng Pangulong Marcos at ng First Lady at kung sino pa man ang nasa gobyerno, ako ay rendition ang kanilang gagawin," ayon kay Quiboloy.
Ang "rendition," ay pagkuha ng isang estado sa isang suspek na may arrest warrant kung nasa ibang estado ito.
"It's not only rendition but also elimination. If it's possible, puwede nila akong i-assassinate," sabi pa ni Quiboloy na inaming nagtatago na siya.
Ayon sa religious leader, maaaring may bigla na lang pumasok sa kaniyang lugar at kunin siya.
Sinabi pa ni Quiboloy sa audio message na nag-alok umano ang US ng $2 milyon reward para siya maaresto. Plano rin umanong taniman siya ng ebidensya gaya ng droga at armas.
"Ang balita namin kung ito ay totoo, sa reliable source, nagsasabi na plaplanting-an daw kami ng bomba, guns, and drugs. Iyan po ay aming babantayan," patuloy niya.
Harapin ang kaso-- US embassy
Sa ipinadalang mensahe sa GMA Integrated News, sinabi ni FBI Public Affairs Specialist Laura Eimiller, na wala siyang alam tungkol sa umano'y $2 milyong pabuya para madakip si Quiboloy.
"There is an active arrest warrant for Mr. Quiboloy but I’m unaware of a reward offer,” sabi ni Eimiller.
Sa hiwalay na pahayag ng US Embassy sa Manila, sinabi nito na tiwala silang na haharapin ni Quiboloy ang kaso niya sa Amerika.
“We are confident that Quiboloy will face justice for his heinous crimes. Questions about legal proceedings should be directed to the US Department of Justice,” saad sa pahayag.
Ayon pa sa US Embassy, nasa Most Wanted List ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy dahil sa alegasyon na sangkot siya sa "serious human rights abuses" kasama ang "systemic and pervasive rape."
“For more than a decade, Apollo Quiboloy engaged in serious human rights abuses, including a pattern of systemic and pervasive rape of girls as young as 11 years old, and he is currently on the FBI’s Most Wanted List,” saad pa sa pahayag.
Extradition na lang
Ayon kay Quiboloy, kasong sex trafficking at cash smuggling umano ang kinakaharap niya sa US. Mas nanaisin umano nila ang extradition at handa nilang harapin ang kaso.
“Dahil nandito ako, I will use my constitutional rights for extradition na siyang treaty ng ating bansa. Yan po ang hinihintay ng mga lawyers ko dito sa Pilipinas at sa Amerika,” saad niya.
“Handa rin po ako sa kasong 'yan, kung ako ay ma-extradite, pagkatapos mapag-usapan at dumaan na kami sa Court of Appeals, Court of First Instance, at Supreme Court. Kung ilan taon yun, magtiis din sila,” dagdag niya.
Nakasaad sa listahan ng mga kasong kinakaharap ni Quiboloy sa US ang conspiracy to engage in sex trafficking by force, coercion, and sex trafficking of children, marriage fraud, fraud and misuse of visas, bulk cash smuggling, promotional money laundering, and international promotional money laundering.-- FRJ, GMA Integrated News