Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Biyernes na pipirmahan niya subpoena laban kay Pastor Apollo Quiboloy para obligahin itong dumalo sa pagdinig ng komite na nagsisiyasat sa alegasyon na sangkot siya sa human trafficking at pang-aabuso sa mga kababaihang miyembro ng kaniyang religious group.
Ginawa ni Zubiri ang pahayag matapos sabihin ni Senadora Risa Hontiveros nitong Huwebes na naipadala na nila sa tanggapan ni Zubiri ang sulat at kahilingan para ipa-subpoena si Quiboloy.
"Mas maigi itanong niyo kay SP (Senate President) para kanilang maipaliwanag," sabi ni Hontiveros sa mga mamamahayag nang tanungin kung bakit wala pa ang subpoena.
Ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na pinamumunuan ni Hontiveros ang nagsisiyasat sa alegasyon ng sangkot umano si Quiboloy sa human trafficking at pang-aabuso sa ilang kababaihang miyembro ng kaniyang religious group na Kingdom of Jesus Christ (KJC).
Sa mga naunang pahayag, itinanggi ni Quiboloy ang mga paratang at nagdeklara na hindi siya sisipot sa imbestigasyon ng Senador. Sa halip, sasagutin umano niya ang mga bintang kung isasampa ito sa korte.
BASAHIN: Pastor Quiboloy, handa raw humarap sa korte pero hindi sisipot sa Senado
Ayon kay Zubiri, nakahanda na ang subpoena laban kay Quiboloy at kailangan na lang niyang pirmahan.
"I have been told by my staff that the issuance of the subpoena for Pastor Apollo Quiboloy has been prepared and is now ready for my signature. I am just in the Visayas at the moment for several engagements, but I will sign all these documents upon my return," paliwanag ng lider ng Senado.
Idinagdag ni Zubiri na ang pagkakaantala ng subpoena ay bunga ng maraming trabaho sa kapulungan, at pagtugon sa mga isyu gaya ng pag-atake umano sa Senado at usapin ng "pekeng" People's Initiative."
Ayon kay Hontiveros, kahit wala pa ang subpoena, ipagpapatuloy na niya ang pagdinig ng komite tungkol sa kay Quiboloy.
"In the meantime, hindi na kayang hintayin ng komite (Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality) 'yung subpoena. Itutuloy po namin 'yung pagdinig, lalo na mayroon kaming second batch of witnesses," anang senador. — mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News