Nadakip sa Maynila ang dalawang lalaki dahil sa panghihingi umano ng mga maseselang larawan online ng mga target nilang menor de edad na estudyante.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing inaresto ng mga tauhan ng Manila District Anti-Cybercrime Team (MDACT) sa isang kainan si alyas “Ricky” matapos ireklamo ng pamilya ng isang estudyante na hiningian niya umano ng mga hubad na larawan.
Dinakip din ang isang alyas “Junior” sa bahagi naman ng Sampaloc.
Sinabi ng pulisya na kinakaibigan online ng mga suspek ang mga biktima at pinangangakuan ang mga ito ng mga cellphone at gadgets.
Kapag nakuha na ang loob ng mga menor de edad, dito na hihingiin ng mga suspek ang kanilang mga hubad na larawan.
Si alyas “Ricky” ay katrabaho ng kamamatay lang na bayaw ng 15-anyos na biktima, na tumulong sa mga gastusin sa burol at niligawan pa ang nabiyudang ate nito.
Ngunit binasted ang suspek kaya ang estudyanteng biktima ang kaniyang tinarget.
Ngunit agad nabisto ng mga kaanak ng biktima ang insidente kaya naikasa ng mga awtoridad ang entrapment operation laban sa kaniya.
Nasa custodial center na ng Manila Police District ang suspek si alyas “Junior,” habang pansamantalang pinalaya si alyas “Ricky” habang patuloy ang imbestigasyon.
Tiwala naman ang mga awtoridad na matibay ang kanilang mga ebidensiya laban sa suspek.
Walang pahayag ang dalawang inaresto, na mahaharap sa reklamong anti-online sexual abuse and exploitation of children at grave coercion. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News