Dahil sa pagmomotorsiklo nang walang suot na helmet, naaresto ang isang lalaki na lumitaw sa imbestigasyon na kabilang pala sa isang grupo ng mga holdaper na gumagala sa Maynila.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, nakilala ang suspek na si Ian Christopher Lapuz, na naaresto sa isang checkpoint ng Manila Police District Station 9 (Malate Police Station).
Nakuha kay Lapuz ang isang kalibre .45 na baril na may mga bala, at ang motorsiklo na ginamit ng grupo sa panghoholdap.
"Nag-review tayo ng mga CCTV recordings. Siya 'yung rider doon sa isang motorsiklo at na-identify na rin natin 'yung ibang kasamahan niya," sabi ni MPD director Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay.
Isa umano si Lapuz sa anim na suspek na nakasakay sa tatlong motorsiklo na nahuli-cam sa Maynila noong nakaraang buwan na may hinoldap na lalaki na katatapos lang mag-withdraw ng pera sa ATM.
BASAHIN: Mga holdaper na nakamotorsiklo, gumagala sa Maynila; nag-withdraw sa ATM, nabiktima
Aminado naman si Lapuz sa krimen at idinahilan na buntis ang kaniyang asawa kaya sumama siya sa grupo dahil kailangan niya ng pera.
Ayon kay Lapuz, kung sino lang ang madaanan nila ang kanilang binibiktima gaya ng lalaking nag-withdraw ng pera.
Sinabi naman ni Ibay na patuloy ang paghahanap nila sa iba pang sangkot sa grupo. — FRJ, GMA Integrated News