Humarap sa pagdinig ng isang komite sa Senado nitong Martes ang ilang dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na pinagsamantalahan umano ng lider nito na si Pastor Apollo Quiboloy.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GTV "State of the Nation," kabilang sa mga nag-akusa laban kay Quiboloy ang dalawang babaeng Ukrainian na dati rin umanong mga miyembro ng KOJC.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros, sinabi ng Ukrainian na itinago sa pangalang "Nina," na nangyari umano ang pagsasamantala sa kaniya sa tinatawag na "night duty."
"It's called night duty... I was like praying that he will just be sleeping and not touching me," ani Nina.
Ang isa pang Ukrainian na itinago sa pangalang "Sofia," sinabihan din na dapat ialay maging ang kaniyang katawan.
"I leave my job, i leave my school, i leave my friends and my parents...and they were just like, 'even your body you can sacrifice,'" saad niya.
Ang Pilipina na dating miyembro ng KOJC na itinago sa pangalang "Amanda," sinabing 17-anyos lang siya nang pagsamantalahan umano ni Quiboloy.
"Parte daw ng trabaho ng ministry of the pastorals na i-masahe si Quiboloy. Special privilege daw ito dahil hindi naman daw lahat nahahawakan at nakakalapit sa anak ng diyos. Basta ibigay ko lang daw ang sarili ko," sabi ni Amanda sa komite
May iba pa raw na mga menor de edad na naging biktima. Dahil umano sa kaniyang mga alegasyon, nakatanggap daw si Amanda ng mga banta at kinasuhan ng cyberlibel.
Ang isa pang dating miyembro ng KOJC na itinago sa pangalang "Jerome," pinagbebenta umano ng kung anu-ano at nire-remit lahat ng kita kay Quiboloy.
Pinagbawalan daw sila na manligaw at manood ng sine. Pero hindi nila ito sinunod kaya pinarusahan sila nang mahuli.
"Tumawag siya sa amin. Kinakabit sa speaker sinabi niya iuntog niyo ulo niyo hanggang dumugo. Pakiramdam ko noon mamamatay na ako o mabubulag dahil may sili pa mata ko at bibig," pahayag niya.
Hindi dumalo sa naturang pagdinig si Quiboloy pero may sinabi siya kaniyang programa.
"Ni-lay down ko ang kabutihan sa inyo tapos nag-take advantage kayo mga pobre kayo. Mga prostitute kayo," ani Quiboloy.
Dahil hindi dumalo sa pagdinig ng komite, ipina-subpoena na ng komite si Quiboloy para obligahin siyang pumunta sa Senado.
"Hindi kayo anak ng diyos na except sa awtoridad ng estado," anang senadora.
Nasa pagdinig ang abogado ni Quiboloy pero hindi siya pinagsalita dahil personal daw ang mga akusasyon na dapat na mismong ang inaakusahan ang sumagot.
Sinubukan din na hingan ng komento ang kampo ni Quiboloy pero hindi ito nagbigay ng komento, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News