Dahil sa tumataas na insidente ng sexual assaults, pati na ang gang rape ng mga menor de edad ang sangkot, nais ng pamahalaan ng Spain na gumawa ng hakbang para higpitan at malimitahan ang access ng kanilang mga kabataan ng porn sites.

Sa ulat ng Agence France-Presse, inatasan umano ng pamahalaan ang kanilang national data protection agency na bumuo ng app [application] para sa age verification sa pag-access sa porn sites, at matiyak na totoong nasa wastong edad na 18 pataas ang manonood sa porn sites.

BASAHIN: Mga Pinoy, nanguna sa listahan ng mga babad sa PornHub ngayong 2021

Ginawa ang hakbang dahil sa pagkabahala ng mga opisyal at mga eksperto na tumaas ang insidente ng sexual assaults na sangkot ang mga menor de edad, pati na sa  gang rape.

Nababahala sila sa epekto ng pagkakalantad ng kanilang mga kabataan sa pornograpiya sa murang edad.

"The consumption of porn at such young ages has obvious and logical negative impacts," sabi government spokeswoman Pilar Alegria sa news conference makaraang idaos ang kanilang weekly cabinet meeting.

Itinuturing na "major concern for society" ang naturang usapin ng maaagang pagkakalantad ng mga menor de edad sa pornograpiya.

Nais ng pamahalaan na ang gagamiting app sa age verification ay maaaring ilagay sa mobile phones at iba ng electronic devices na makapagbibigay ng patunay sa edad ng taong gagamit ng porn sites.

Mayroon na umanong nabuo na pilot version ng app at nasubukan na sa main internet browsers. Inaasahan na handa na ang final version nito sa unang bahagi ng 2024.

Gayunman, hindi nagbigay ng detalye si Alegria kung papaano ito ipatutupad ng pamahalaan.

Bukod pa rito, may inihahanda ring panukalang batas na layuning protektahan ang kanilang kabataan laban sa mga "inappropriate content" online katulad ng pornograpiya.

Base sa pag-aaral ng NGO Save the Children, mahigit kalahati ng kabataan ng Spain (53.8 percent) ang nakapanood o nakakita ng pornograpiya o kalaswaan bago pa man umabot sa edad na 13.

Tinawag ni Socialist Prime Minister Pedro Sanchez na “devastating” ang pagkakalantad ng kanilang mga menor de edad sa pornograpiya.

“We are suffering a real epidemic of minors who have access to pornographic content which affects their development and their present and future behaviour,” saad ng lider sa panayam pahayagang El Pais. --AFP/FRJ, GMA Integrated