Isang 47-anyos na ginang na mula sa Bulacan ang nanalo ng P43 milyong jackpot prize sa Lotto 6/42 draw noong December 28, 2023.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office na makikita sa kanilang Facebook account, sinabing nakumbra na ng lotto winner ang premyo na P43,882,361.60.
Nahulaan niya ang lumabas na mga numerong 18-34-01-11-28-04, na galing sa petsa ng kapanganakan ng miyembro ng pamilya.
Dalawang kombinasyon ng mga numero ang tinayaan ng ginang na nagkakahalaga ng P40.00.
Mayroon ding special numbers ang lotto winner na laging tinatayaan na 28 at 34. (ALAMIN: Paano pumili ng lucky numbers para sa lotto batay sa taong 2024?)
"The lucky winner shared that she placed the bet since the number ‘28’ often represents a car and ‘34’ a house," ayon sa pahayag.
Plano umano ng ginang na gamitin sa negosyo ang bahagi ng kaniyang napanalunan, bumili ng bagong bahay, at gamiting saving para sa dalawa niyang anak.
Nitong Martes, isang mananaya ang mapalad na nanalo ng mahigit P640-milyong jackpot sa Super Lotto 6/49 draw. — FRJ, GMA Integrated News