Iminungkahi ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na ipagpaliban muna ang taas-singil sa premium rate ng Philippine Health Insurance Corporation's (PhilHealth) ngayong 2024. Ayon naman sa Palasyo, pag-aaralan ng Punong Ehekutibo ang mungkahi.
Sa isang media forum nitong Miyerkules, sinabi ni Herbosa na nagpadala siya ng sulat kay Marcos tungkol sa kaniyang mungkahi. Sapat pa naman daw ang pondo ng PhilHealth kaya hindi magkakaroon ng matinding epekto sa pagkakaloob ng tulong sa mga miyembro sakaling hindi muna ipatupad ang rate hike.
“If ever the President will agree to the contribution, my recommendation is to start from where we stopped, not the current 5%. If we stopped at 2% or 3% increase, we start at where it was suspended. That for me is the logical way to lift suspension. We don’t jump to a very high [rate] kasi kawawa ang mga tao,” paliwanag ni Herbosa.
“My position is that, I think PhilHealth has enough money to actually continue to give benefits. It will not be hurt by delaying the increase in premium. I need to see good actuarials on this one. You need to have a science-based policy. Hindi 'yung whim na itataas mo lang . There are other things that are supporting health care," dagdag pa niya.
Ayon kay Herbosa na mungkahi niyang suspensyon ng rate hike sa PhilHealth ay bunga na rin ng mataas na halaga pa rin ng mga bilihin upang hindi masyadong mahirapan ang mga tao sa gastusin.
Sinabi naman ng Presidential Communications Office (PCO) na pinag-aaralan ng pangulo ang mungkahi ni Herbosa.
"The President is studying the request," sabi ni PCO Secretary Cheloy Garafil nang tanungin ng mga mamamahayag kung natanggap na ng pangulo ang sulat ni Herbosa.
Nakasaad sa Universal Health Care (UHC) na naging batas noong 2019 ang utay-utay na premium increase sa PhilHealth. Dapat umabot na sa 4.5% hike noong 2023, habang ang monthly basic salary ceiling ay dapat P90,000.
Sa nasabing batas, nakasaad na dapat nasa 5% na ang taas sa kontribusyon sa PhilHealth ngayong 2024. — FRJ, GMA Integrated News