Natawa na lamang ang isang babaeng pasahero dahil hindi pa man siya nakakasakay, humarurot agad ang binook niyang rider kaya siya nito naiwan.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, mapapanood ang video ni Maria Martha Argallon, isang call center agent at online teacher.

Dahil male-late na sa trabaho, naisipang mag-book ni Argallon ng motorcycle taxi sa isang ride-hailing app.

Agad namang dumating ang rider, pero nang pasakay na siya, bigla naman itong humarurot.

Nagulat na lamang sa nangyari at natawa na lang si Argallon, na suot pa rin ang helmet.

"'Yung binook kong motor, akala niya nasa likod na ako, umalis! Hindi pa ako nakakasakay!" sabi ni Argallon.

Agad niya rin namang minessage ang rider at sinabing hindi pa siya nakakasakay.

Ilang saglit pa, bumalik naman ang rider. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News