Timbog ang dalawang lalaki sa ikinasang drug buy-bust operation ng pulisya sa Barangay 175, Caloocan City.
Kabilang sa naaresto ang 32-anyos na factory worker at 42-anyos na pintor.
Nakuha sa kanila ang nasa 375 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P2.5 milyon.
Ayon sa pulisya, dati nang nakulong ang mga suspek dahil sa paggamit ng droga. Nang makalaya ay nagbenta naman umano sila ng shabu.
“Meron sa kanilang nagco-consignment o namumuhunan para magkaroon sila ng malaking halaga ng shabu na maibebenta. Dahil sa regular confidential informant namin, napag-alaman namin na talagang nagbebenta sila,” ani Police Captain Emmanuel Aldana, ang acting chief ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU).
Bukod sa Caloocan, nagbabagsak din daw ng droga ang mga suspek sa Bulacan.
Inaalam pa raw ng pulisya ang source ng shabu.
“Ang mga karaniwang parokyano po nila ang nakikita ko po ay puro mga kabataan. Kinakalat po nila sa mga squatter area,” dagdag pa ni Aldana.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek na mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. — BAP, GMA Integrated News