Nadakip na ang suspek sa pagpatay sa isang babaeng overseas Filipino workers na umuwi lang ng Pilipinas para magdiwang ng Pasko sa Antipolo City, Rizal. Ang suspek, inamin ang krimen.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing nadakip ng mga awtoridad sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City ang suspek na si Art Tondo, na nagawa pang kumuha ng kaniyang sahod bilang construction workers.
Suspek si Tondo sa pagpatay kay Canice Minica Seming, 29-anyos na natagpuang duguan sa bahay ng kapatid nito sa Rizal. Lumitaw sa awtopsiya na nagtamo ng 26 na saksak ang biktima.
"Para siyang normal, eh, nung hinuli siya. wala siyang… there’s no sense of remorse during his arrest. Wala siyang remorse. kumuha pa sya ng sahod nya. Parang walang nangyari," ayon kay Antipolo Police Chief Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo nang maaresto si Tondo.
Sa himpilan ng pulisya, inamin ni Tondo ang ginawang pagsaksak sa biktima.
Pumunta umano si Tondo sa bahay kung saan nagsisilbing kasambahay ang kaniyang dating kinakasama. Pero dahil wala sa bahay ang kasambahay, inutusan daw ng suspek ang biktima na i-chat ang kasambahay.
"Nagkasagutan po kami. Pinapalabas po ako ni...biktima. Lasing po ako noong mga time na 'yon," saad ng suspek na nagdilim na raw ang paningin niya at pinagsasaksak ang OFW.
Humingi ng tawad si Tondo sa mga kaanak ng biktima.
Nakita na rin ng mga awtoridad ang folding knife na ginamit ng suspek sa krimen na itinapon sa imburnal na malapit sa bahay ng biktima.
Kasong murder ang isasampa ng pulisya laban kay Tondo.
"The number of stab wounds will be an indicator or magpi-fit siya doon sa ating ipa-file na complaint na murder," ani Manongdo. "Twenty-six na stab wounds, talagang karumaldumal. Yung degree ng pagpatay is malala."
Sa kabila ng kalungkutan dahil sa nangyaring trahediya, masaya na rin ang mga kaanak ng biktima dahil na nadakip na ang suspek.
"Masaya naman po kami na nakuha namin kaagad 'yung, hindi pa hustisya, kung 'di 'yung pag-aksyon ng media at police. Kasi at least nakuha na namin yung suspek," ayon kay Jose Garcia, bayaw ng biktima. "Kami sa ngayon ay nagpapasalamat sa lahat sa media especially [dahil] naging maliit ang mundo ng tao na ito." — FRJ, GMA Integrated News