Dalawang mananaya na mula sa Cebu at Sultan Kudarat ang naghati sa P30 milyon na MegaLotto 6/45 jackpot. Ang isa sa kanila, dating humingi ng tulong sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos magkasakit.

Sa inilabas na pahayag ng PCSO, nakasaad na tumama ang dalawang mananaya sa Megalotto draw noong Oktubre 25, 2023, na ang lumabas na winning combination ay 04-34-02-28-42-20.

Ang mananaya mula sa Sultan Kudarat, dati na umanong humingi ng tulong sa PCSO at napagkalooban ng financial assistance sa ilalim ng Medical Assistance Program para sa dialysis at hospitalization makaraang ma-stroke.

Matapos makubra ang premyo sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong noong nakaraang buwan, plano umano ng mananaya na gamitin ang bahagi ng premyo para ipaayos ang kanilang bahay.

Samantala, wala pa ring nanalo ng P196 milyon na jackpot sa Ultra Lotto 6/58 draw nitong Martes, Disyembre 5, 2023. Ang lumabas na mga numero ay 21-04-23-12-32-35.

Wala ring tumama sa kasabay nitong draw na Superlotto 6/49, na ang lumabas na mga numero ay 41-29-33-31-16-26, at may premyong P228 milyon.

Hindi rin tinamaan ang isa pang draw na Lotto 6/42 na ang lumabas na mga numero ay 16-10-40-25-41-19, at may premyong P7,704,008.80. --FRJ, GMA Integrated News