Dalawa sa mga miyembro umano ng grupong gumagamit ng palakol sa kanilang panghoholdap sa mga sasakyan ng mga biktima sa Skyway ang nadakip ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon. Ang perang nakuha na raw ng grupo sa kanilang mga nabiktima, mahigit P134 milyon.
Sa ulat ni John Consulta sa GTV "State of the Nation" nitong Martes, ipinakita ang video sa ginawang pag-atake ng grupo noong Marso at Agosto sa Skyway kung saan isang Koreano at isang Pilipino ang kaniyang biniktima.
Ayon sa pulisya, P7 milyon ang pera na natangay ng grupo sa Koreano, habang P10 milyon naman sa Pilipino.
Ang modus ng grupo, iipitin ng mga suspek ang sasakyan ng biktima sa Skyway. Sunod nito ay bababa ang grupo kabilang ang armado ng palakol para ipambasag sa sasakyan ng biktima.
"Dito sa Entertainment City nanggagaling, aabangan nila, pagpasok ng Skyway mismo, iipitin nila yung sasakyan. Passenger side na salamin pinalakol nila then nabuksan nila yung pinto, nakuha nila yung pera," ayon kay Police Colonel Mendez, NCRPO Regional Intelligence Division Chiefs
Nasakote ng mga awtoridad sa Malate, Manila ang isa sa mga miyembro ng grupo na si Anjo Sardoma.
Nakuha umano sa suspek ang isang baril at granada.
Si Sardoma umano ang driver ng sports utility vehicle (SUV) na nakita sa CCTV camera sa labas ng casino hotel kung saan nanggaling ang isa nilang biniktima.
Sa bisa naman ng search warrant, nasakote ng mga pulis sa Cavite at nakuhanan ng baril si Joland Cabotaje, na sinasabing pinsan ni Sardoma.
"Mga ebidensya kung bakit sila sangkot - plaka ng sasakyan na nasa kanila match sa kuha sa CCTV ng mga sasakyan ng mga suspek, etc.," ani Mendez.
Itinanggi naman ng dalawa ang alegasyon laban sa kanila.
Sabi ni Sadorma, "Sa korte na lang po ako magpapaliwanag."
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para mahuli ang iba pang miyembro ng grupo.--FRJ, GMA Integrated News