Kahit unang subok lang sa pagkuha ng Bar exams, naiyak sa tuwa ang isang 62-anyos na ginang nang malaman niyang nakapasa siya sa nasabing pagsusulit ngayong taon.
Batay sa resulta ng 2023 Bar examinations, umabot sa 3,812 ang pumasa na inanunsyo ng Korte Suprema ngayong Martes.
“Anak ko, attorney na ko! Oh my god,” sabi ng ginang na si Rosula Calacala habang niyayakap ang kaniyang anak.
Pag-amin niya, hindi niya inaasahan na makakapasa siya dahil na rin sa kaniyang edad. Umaasa siya na ang pagpasa niya ay makapagbibigay ng inspirasyon sa iba.
Kuwento ni Calacala, mula siya sa North Eastern College sa Isabela.
“I have already finished my... my children have already finished and so I don’t have nothing... I don’t have anything to do. So eto, nag-aral ako para to spare my time,” ayon sa ginang.
“First time and I took the Bar, the law school for only four years. Wala akong failing grade. I’m a working student,” patuloy niya.
Payo ni Calacala sa mga kukuha ng exams, huwag mag-cell phone.
“‘Wag sila mag-cell phone nang mag-cell phone, Kasi istorbo lang ‘yung cell phone. Honestly, I did not waste my time. Lahat ng oras na spare, lahat ng oras na nakabuka ang aking mata, nagbabasa ako,” sabi niya.
Iniaalay daw niya sa Diyos ang kaniyang tagumpay.
“Kasi okay na ang mga anak ko, okay na ang mga anak ko kaya sa Panginoon ko na ia-alay ang lahat,” ani Calacala.
Click here for the complete list of passers
Samantala, inihayag naman ni Don Johnson Dela Chica, pumasa rin sa bar, na hindi alam ng kaniyang pamilya ang pagkuha niya ng exam.
Overseas Filipino workers (OFW) sa Italy ang kaniyang mga magulang.
"Actually, wish ko talaga makausap sila kasi wala silang idea,” ani Dela Chica, na lumaki na hindi kasama ang mga magulang dahil kailangang magtrabaho sa ibang bansa.
“OFW po sila, so talagang ano, it’s difficult kasi, you know, I grew up where my parents where, ano, needed to work. Kasi life is difficult,” saad niya.
“People describe being abroad as something glamorous or ano but it was difficult for me and my siblings to always see my parents hard work and kami lang sa bahay all the time. So talagang ano, ang hirap,” dagdag niya.
Nang tanungin kung ano ang susunod niyang plano, sabi ni Dela Chica, “Wala pa akong specific idea. It can be within the academic side or even in a law firm. Wherever I can be of use and inspiration to others. ‘Yun talaga ang aking biggest goal.” — FRJ, GMA Integrated News