Nahuli-cam ng isang rider ang hinihinala niyang modus sa kalye ng Tayuman, Maynila nang magpanggap ang isang matandang lalaki na nabundol niya at kasunod nito ay ang pagsulpot ng ilang kalalakihan.
Sa ulat ni Katrina Son sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, mapapanood sa viral video ni Mark Andrew Ong ang kaniyang biyahe sa Tayuman sakay ng motorsiklo.
Ayon kay Mark, pauwi na siya nang makita niya ang isang matandang lalaki na sumalubong sa kaniya sa daan.
Iniwasan niya ang matanda ngunit nagulat siya nang bigla na lang itong humiga sa kalsada at nagsabing nabangga niya ito.
“Iniwas ko siya pakanan, tapos nag-break ako nang biglaan. Kitang kita ko siya na bigla na lang siyang humiga,” sabi ni Ong.
Kinabahan si Ong dahil may mga lalaki na lumapit na tila kukuyugin daw siya. Mabuti na lang na may nagpakilalang pulis na pumagitna sa kanila.
“Nakita niya na hindi ko naman talaga nabangga. Naramdaman ko na parang susugod na sila noon, isinigaw ko na ‘Ipo-post ko kayo.’ Tapos merong isa na lumapit na sinabi na, ‘Magkalma muna,’” ani Ong.
Matapos itong sabihin ni Ong, biglang tumayo ang matandang lalaki. Ngunit hindi na siya kinausap nito at nakipagkamay na lang.
Sinabi ng mga awtoridad na hindi na bago ang mga ganitong modus na ginagawa ng ilan para makapangikil.
Ayon sa pulisya, kadalasang ginagawa ang modus sa mga lugar na walang bantay na pulis.
Payo ng mga awtoridad, malaking tulong ang mag-i-invest sa mga dash cam.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News