Inihayag ng Malacañang nitong Lunes na nagpositibo sa COVID-19 si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa Facebook post naman, ipinaalam din ni Pasig Mayor Vico Sotto na mayroon siyang mild symptoms ng naturang virus.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), patuloy pa rin namang magtatrabaho ang pangulo. Tuloy din ang kaniyang pakikipag-pulong sa pamamagitan ng teleconference.
"Upon medical advice, he will observe a period of isolation for five day," saad ng PCO.
"Updates on his health will be provided as available," dagdag ng PCO.
Ayon pa sa PCO, hinimok ni Marcos ang publiko ngayong holiday season na, "to take precautions to safeguard their health, such as vaccinating and voluntary mask-wearing when entering crowded places."
Kabilang umano sa ipinaalala ng pangulo ang boluntaryong pagsusuot ng facemask sa matataon at kulong na lugar at patuloy na magpabakuna.
Mayor Vico, sapul din ng COVID-19
Sa Facebook post ni Pasig City Mayor Vico Sotto, inihayag nito na nagpositibo siya sa COVID-19 test.
Nakararanas umano ang alkalde ng mild COVID-19 symptoms at humingi siya ng paumanhin sa mga nakatakda sana niyang pulungan ngayong linggo.
“Nakakainis!!! Nag positive pa sa covid (mild symptoms kaya nag-antigen ako)! Posting para humingi ng pasensiya sa lahat ng naka-schedule ngayong linggo!!” ani Sotto.
“Sunod pa rin tayo sa protocol, postponed/via zoom muna lahat hanggang mawala ang sintomas,” payo niya.
Sinabi rin ni Sotto na dapat magsuot pa rin ng facemask sa harap na rin ng abiso ng Department of Health’s (DOH) na tumataas ang kaso ng pneumonia.
“Dagdag ko na lang din: paalala ng DOH na tumataas ang bilang ng kaso ng pneumonia, at nandiyan pa rin ang COVID, kaya highly recommended na mag-mask tayo. Lalo na kung may nararamdaman o kapag may nakakaharap na ibang tao,” sabi ng alkalde.
Sa datos ng DOH, mayroong 3,186 na active cases ng COVID-19 sa bansa hanggang nitong Disyembre 1, 2023.—FRJ, GMA Integrated News