Pinatay at itinapon sa magkahiwalay na lugar ang apat sa anim na Chinese na kinuha sa tinutuluyan nilang bahay sa Muntinlupa City. Ang dalawa pang biktima na nawawala, mag-ina.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, inihayag ng mga awtoridad na Oktubre 30 nang dukutin sa isang bahay na nasa exclusive village sa Muntinlupa City ang anim na Chinese at tatlong Pilipino.
Ang tatlong Pilipino, pinakawalan din kinalaunan sa Calauan, Laguna.
Pero noong November 1, nakita ang bangkay ng dalawang babaeng biktima na mga Chinese sa Marilaque sa Tanay, Rizal.
Noong November 6 naman, sa Infanta sa Quezon nakita ang katawan ng dalawa pang biktima na mga lalaking Chinese.
Ayon sa Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), lumilitaw na magkapatid ang dalawang lalaki na pangunahing target ng mga salarin ang isa sa kanila.
Naging palaisipan sa mga awtoridad ang kaso dahil wala umanong ransom na hiningi ang mga salarin.
“Since hindi tumatawag sa family, walang demand ransom, naging puzzle sa amin ano ba ito. Hindi ito tulad ng ibang cases ng ibang kidnapping,” ayon kay PNP-AKG Chief Police Brigadier General Cosme Abrenica.
Hinihinala rin na pinatay sa sakal o tinakpan ang mukha ng mga biktima hanggang sa hindi makahinga.
“Wala namang sugat na binaril o sinaksak yung victim, ito ay maaaring ginamitan ng pantakip sa bibig o sinakal,” dagdag ni Abrenica.
Sa ngayon, hindi pa batid ng mga awtoridad kung nasaan ang dalawa pang biktima na isang 11-anyos na lalaki at ang kaniyang ina.
“Hopefully, sana huwag naman nila patayin yung 11-year-old boy and ‘yung mother niya. Sana naman kung may galit sila 'wag idamay ang bata,” ayon sa opisyal.
Patuloy pang inaalam ng PNP-AKG ang posibleng motibo sa krimen bagaman lumilitaw na may mga negosyo ang biktima, at may mga nawawalang gamit sa anim na vault na nasa bahay ng mga ito.
Tinatayang nasa anim katao umano ang sangkot sa pagdukot na karamihan umano ay mga Chinese rin.--FRJ, GMA Integrated News