Inihayag ng Philippine National Police (PNP) Forensic Group na may resulta na ang isinagawang DNA test sa dugo at buhok na nakuha sa inabandonang pulang SUV sa Batangas na hinihinalang may kinalaman sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.
Gayunman, sinabi ni PNP Forensic Group public information officer Police Major Rodrigo Sotero Jr., na hihintayin pa nila ang ilalabas na official report sa naturang resulta ng DNA test.
Sa text message ni Sotero sa mga mamamahayag nitong Lunes, sinabi niya na ilalahad ang ulat tungkol sa resulta ng DNA test sa Martes.
BASAHIN: CIDG: May impormasyon na gusto nang makipaghiwalay ni Catherine Camilon sa karelasyong pulis
Una rito, isang pulang SUV ang nakitang iniwan sa Barangay Dumuclay, Batangas City ilang linggo makaraang mawala si Camilon.
May mga blood swab at hibla ng buhok na nakita sa sasakyan. Upang malaman kung kay Camilon ang naturang dugo at buhok, kumuha ng sample ang mga awtoridad sa kaanak ni Camilon para ikumpara.
Ayon sa dalawang saksi, may nakita silang babaeng duguan na inilipat sa isang pulang sasakyan, na tugma ang paglalarawan sa inabandonang SUV.
Huling nakita si Camilon na naglalakad sa loob ng isang mall sa Lemery, Batangas noong Oktubre 12.
Sinampahan ng reklamong kidnapping at serious illegal detention ang apat katao, kabilang si Police Major Allan de Castro, Jeffrey Magpantay, at dalawang John Does.
Si de Castro ay sinasabing karelasyon ni Camilon, habang driver-bodyguard umano ni de Castro si Magpantay.
Nasa kostudiya ng mga awtoridad si de Castro, habang patuloy na hinahanap si Magpantay at ang dalawang iba pang kinasuhan.
Sa mga naunang ulat, sinabing inamin umano ni de Castro ang pakikipagrelasyon kay Camilon.
Gayunman, hindi siya nagsalita kung may kinalaman siya sa pagkawala ng beauty queen at guro ng Tuy, Batangas.
Idinahilan umano ni de Castro na nasa kampo siya ng Batangas police nang araw na mawala si Camilon.
Bukod sa reklamong isinampa sa piskalya, nahaharap din sa kasong administratibo si de Castro na maaaring maging dahilan para masibak siya sa serbisyo.--Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News