Naiuwi na sa kani-kanilang bahay ang dalawang biktima ng pamamaril sa loob ng isang pampasaherong bus sa Nueva Ecija. Ayon sa pulisya, bukod sa hidwaan ng babaeng biktima sa kaniyang anak, sisilipin din nila sa imbestigasyon ang iba pang posibleng motibo sa krimen.
Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing dinala na sa Tarlac ang mga labi ng lalaking biktima. Habang sa Cauayan, Isabela naman dinala ang mga labi ng babaeng biktima.
Nauna nang iniulat ng pulisya na mga negosyante ang mga biktima at magkarelasyon.
Kahit hiwalay na at may separation agreement, ang dating mister ng babaeng biktima ang sumundo sa mga labi nito pauwi sa Isabela.
Itinuturing person of interest ng pulisya sa krimen ang anak na lalaki ng babaeng biktima na nagkaroon ng hidwaan sa ina na nauwi sa demandahan.
Kinasuhan ng babaeng biktima ng carnapping at robbery ang kaniyang anak, na nakalaya matapos magpiyansa.
Pero ayon kay Attorney Mark dela Peña, abogado ng anak, ipinaliwanag niya sa kaniyang kliyente na bahagi ng imbestigasyon ng kapulisan na alamin ang lahat ng posibilidad.
Nagkaayos na rin daw ang mag-ina bago pa man nangyari ang krimen dahil natapos na umano ang kaso noong Nobyembre 8.
Ayon kay Carranglan Nueva Ecija Police Station Chief Police Major Rey Ian Agliam, lahat ng posibleng motibo sa mga biktima ay kanilang iimbestigahan.
"Lahat ng anggulo ay tinitingnan po natin. Yung sa anak, yung sa negosyo, yung sa... puwede rin po kasi yung love triangle," saad ng opisyal.
Ang kapatid ng biktimang babae, sinabing huli niyang nakausap ang kapatid noong Nobyembre 8 na dadalo sa pagdinig ng kaso.
“Walang ibang kaaway niya kundi itong kaso na lang na ito na hinaharap niya ang alam kong dahilan kung bakit siya pinaslang ng ganito ng walang kalaban-laban,” sabi ng kapatid.
Patuloy naman ang imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang salarin. --FRJ, GMA Integrated News