Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko ang isang bus matapos nitong araruhin ang ilang barrier sa southbound lane ng EDSA Kamuning Flyover Huwebes ng umaga, at tumagas at kumalat ang langis nito sa kalsada.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita ang sirang bumper ng bus matapos mang-araro ng mga plastic at concrete barrier.
Naganap ang insidente sa southbound lane ng EDSA Kamuning flyover pasado 4 a.m.
Ilang barrier ang pumailalim sa bus sa lakas ng pagkakabangga. Nayupi ang isang plastic barrier samantalang tumilapon ang tipak na concrete barrier.
Sinabi ng MMDA na amin na barrier ang nabangga ng bus.
Driver at pahinante lamang ang sakay ng bus, na nagmula sa Bulacan at mag-u-U-turn sana sa ilalim ng flyover para magsundo ng ilang empleyado sa Centris.
“Bigla akong kumabig ng manibela ko eh, tumigas. Kasi pailalim ako eh… Hindi ko na maikabig,” sabi ng bus driver na si Randy Labastida. Hindi naman daw nakatulog ang bus driver.
Tumagas ang krudo ng bus sa kalye kaya nilagyan ito ng kusot ng mga tauhan ng MMDA.
Hindi rin muna pinagamit ng mga awtoridad ang service road.
Isang lane lang ang nadaanan ng mga motorista sa flyover kaya nagka-traffic sa southbound lane ng EDSA. Umabot ang tail-end sa kanto ng Quezon Avenue.
Gumamit ng forklift ang mga awtoridad para maitaas ang harapang bahagi ng bus at maialis ng MMDA ang mga pumailalim na barrier. Makalipas ang halos dalawang oras, natanggal na ang naaksidenteng bus.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng QCPD Traffic Sector 4. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News