Matapos ang halos pitong taon, nakalabas na ng Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City nitong Lunes ng gabi si dating Senador Leila de Lima matapos siyang magpiyansa.
“Precious freedom! Free at last! Pinakahihintay ko sa buhay ko for more than six years. Ito na, dumating na po. Maraming salamat,” sabi ni de Lima sa mga mamamahayag matapos siyang makalabas sa Camp Crame dakong 7:03 p.m.
Una rito, kinatigan ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 206 ang mosyon ng dating senador na irekonsidera ang nauna nitong pasya at pinayagan na magpiyansa sa halagang P300,000 para sa natitira niyang isang kaso na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Kasamang pinayagan ng korte na magpiyansa sa halagang tig-P300,000 ang iba pang kapuwa akusado ni de Lima na sina dating Corrections Director Franklin Bucayu, Ronnie Dayan, Joenel Sanchez, at Jad Dera.
Bago makapagpiyansa, sandaling lumabas ng Custodial Center ang dating mambabatas nitong Lunes ng hapon para magpakita sa mga mamamahayag na nasa labas ng kampo.
"I'm free. Salamat, sa wakas, malaya na po ako... after 2,424 days. I am now free. Sweet, sweet freedom. Thank you, Lord. Thank you, everyone," sabi ni de Lima.
Matapos ang pagdinig sa korte, makikita ang kasiyahan ni De Lima nang lumabas ng Muntinlupa City Hall of Justice.
“Sa wakas makakalaya na po ako. For years, years, my whole being has been crying out for justice and freedom. For six long years, praying, praying so hard for this day to come,” saad niya.
Ikinatuwa ng mga kapanalig ni de Lima ang desisyon ng korte.
"The decision...is a step toward justice and freedom for Leila and a harsh indictment of those who falsely accused her of wrongdoing and caused her years of unimaginable suffering in solitary confinement and the indescribable anguish of the malevolently accused," sabi ni Albay Representative Edcel Lagman sa isang pahayag.
Sinabi naman ni dating Vice President Leni Robredo na ang desisyon ng korte ay patunay na lalabas ang katotohanan na pinag-initan lang si de Lima.
“Ang lahat ng mga paninira at panggigipit na naranasan niya sa loob ng halos pitong taon ay bunga ng kaniyang pangangahas na tumindig para sa tama—para sa ating mga kababayan. Masaya ako na sa wakas ay namayani ang hustisya at makakapiling na natin nang malaya si Senator Leila,” dagdag niya.
Para naman kay Salvador Panelo, naging chief legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang basehan ng korte na magpiyansa si de Lima ay bunga ng pagbawi ng testimonya ng ibang saksi.
"The recanting witnesses have not proven before the court that their previous adverse testimonies on de Lima were done under the threat or that they were coerced into falsely testifying before the court," giit ni Panelo.
Ayon pa sa dating opisyal, kahit wala ang mga testimonya ng mga saksi, "there is strong evidence establishing the guilt of the accused beyond a reasonable doubt."
"The government can appeal the erroneous grant of bail by the lower court to the higher courts," dagdag pa ni Panelo. -- FRJ, GMA Integrated News