May panibagong fuel price roll back na maasahan ang mga motorista sa susunod na linggo, na posibleng umabot sa mahigit P2 bawat litro ang matapyas sa presyo ng diesel.
Batay sa four-day monitoring sa Mean of Platts Singapore (MOPS) trading, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, na maaaring umabot ng P2.40 hanggang P2.70 per liter ang mababawas sa presyo ng diesel.
Samantala, P1.65 hanggang P1.85 per liter naman ang inaasahang tapyas sa presyo ng kerosene, at P0.60 hanggang P0.80 per liter naman sa gasolina.
Halos katulad din ng pagtaya ni Romero ang inaasahang rollback ng isang oil industry source, batay din sa galaw ng MOPS trading nitong November 4 -9.
Ang MOPS ang basehan ng presyuhan ng refined petroleum products sa Southeast Asia.
Ayon kay Romero, ang inaasahang oil price rollback ay posibleng bunga ng “demand destruction worries with falling demand of US and China's weak exports.”
Inaanunsyo ng mga oil company ang price adjustments tuwing Lunes, at ipinatutupad naman kinabukasan, Martes.
Nitong nakaraang Martes, P1.10/L ang nabawas sa presyo ng diesel, P0.45/L naman sa gasolina, at P1.05/L sa kerosone.– FRJ, GMA Integrated News.