Nagtamo ng mga sugat sa leeg at iba pang bahagi ng katawan ang isang lalaki dahil sa pananaga umano ng kaniyang kainuman sa Labo, Camarines Norte.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Anahaw.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan umano ang suspek at ang biktima.

Ilang saglit pa, naglabas na ng itak ang suspek at pinagtataga ang biktima.

Tumakas ang salarin ngunit nadakip din agad sa hot pursuit operation.

Nakakulong na ang suspek, na hindi pa nagbibigay ng pahayag.

Samantala sa Calasiao, Pangasinan, sugatan din sa kamay at paa ang isang lalaki dahil sa pananaga ng kaniyang kapitbahay.

Agad dinakip ng mga pulis ang suspek, na tumangging magbigay ng pahayag.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na may dati nang away ang anak ng suspek at ang biktima.

Nagkakomprontasyon ang dalawa hanggang sa tagain ng suspek ang biktima.

Tumanggi ring magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News