Ibabalik ang programang Libreng Sakay sa mga jeepney at bus sa Nobyembre na magtatagal hanggang Disyembre ngayong taon, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

"Itong buwan na ito ilalabas namin ang pera. Ibabalik po natin ang Libreng Sakay. Uunahin po natin ang Metro Manila, kasama po ang mga jeepney," pahayag ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III sa press conference ngayong Lunes.

"Iyong P1.3 billion tapos na po iyong joint memorandum circular. Ibaba na po ang pera. Alam mo ang hinahabol namin doon November-December para maagang pamaskong handog ng LTFRB," dagdag niya.

Sinimulan ang Libreng Sakay program noong magkaroon ng pandemic para matulungan ang mga pasahero na mabawasan ang gastusin.

Pagkaraan ng may dalawang taon, natigil nitong nakaraang Enero ang programa, kasama ang libreng sakay sa EDSA Carousel o Busway.

Ayon sa Department of Transportation, nasa 320,000 hanggang 390,000 pasahero ang nakikinabang sa libreng sakay sa EDSA Bus Carousel bawat araw. —FRJ, GMA Integrated News