Napilitang maglabasan sa Capitol complex ang mga kawani ng Kongreso sa Amerika nang patunugin ng isang kongresista ang fire alarm habang tinatalakay ng mga mambabatas ang kontrobersiyal na funding bill para mapigilan ang government shutdown.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nahaharap sa imbestigasyon dahil sa kaniyang ginawa si Democratic US Representative Jamaal Bowman, kinatawan ng New York City at mga kalapit nitong lugar.
Inilabas ng Capitol Police ang larawan na makikita si Bowman, nang galawin niya ang fire alarm na malapit sa labasan ng gusali na kinaroroonan ng mga tanggapan ng mga kongresista.
Ayon sa pulisya, iniimbestigahan nila ang insidente, pati na ang House Administration Committee, na pinamumunuan ang miyembro ng Republican.
Sa isang pahayag, inamin ni Bowman na pinatunog niya ang fire alarm, na pinagsisishan niya. Pero ginawa raw niya ito para maantala ang botohan sa funding bill para mapanatiling bukas ang mga federal agency at maiwasan ang shutdown ng gobyerno.
Nais umanong mapag-aralan muna ng mga Democrat ang panukala.
"Today, as I was rushing to make a vote, I came to a door that is usually open for votes but today would not open," sabi ni Bowman sa kaniyang post sa X, na dating kilala bilang Twitter.
"I am embarrassed to admit that I activated the fire alarm, mistakenly thinking it would open the door. I regret this and sincerely apologize for any confusion this caused," patuloy niya.
Pagkaraan ng ilang oras makaraang matiyak na ligtas ang gusali, bumalik sa trabaho ng mga kawani at mga mambabatas.
Pumasa ang panukala, ayon na rin mismo kay Republican House Speaker Kevin McCarthy .
Ilang Republicans naman ang nanawagan kay Bowman na magbitiw dahil sa kaniyang ginawa.— Reuters