Tsokolate umano at hindi papel o nawawalang $300 ng pasahero ang isinubo ng isang babaeng empleyado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nahuli-cam na may inilagay sa kaniyang bibig at sinasabayan ng inom ng tubig.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nagsumite ng supplemental affidavit ang iniimbestigahang tauhan ng Office for Transportation Security (OTS).
Iginiit umano nito na wala siyang kinukuha o nilunok na pera.
BASAHIN: Empleyado sa NAIA, nahuli-cam na may nilunok umanong papel; dayuhan, nawalan ng $300
Gayunman, hindi kumbinsido ang OTS fact-finding team sa paliwanag ng babae.
“Hindi naman normal na kumain ng tsokolate, hirap na hirap at tinutulak pa niya ng tubig. Hindi mo kailangan ng tubig. ‘Yun talaga ang paniniwala nila, na hindi 'yon tsokolate,” ayon kay OTS Administrator Undersecretary Mao Aplasca.
Isinailalim sa preventive suspension at sinampahan ng administrative case for grave misconduct ang naturang babae, kasama ang kaniyang supervisor at isa pang tauhan na nag-abot sa kaniya ng tubig.
Kung mapapatunayan ang alegasyon tungkol sa nawawalang pera, sasampahan pa sila ng reklamong theft .
Gayunman, sinabi ng OTS na magiging usapin sa kaso na nakaalis na ang pasaherong nawalan umano ng pera.
“Nakakagalit na itong insidenteng ito, paulit-ulit. Siguro iniisip ng mga tao na ito na hindi naman magpo-prosper yung criminal case dahil wala yung complainant, hindi na interested. Gagawa kami ng mga paraan na legal,” sabi ni Aplasca.
Isinailalim din sa imbestigasyon ang 14 pang OTS personnel na naka-duty nang araw na mangyari ang insidente. -- FRJ, GMA Integrated News