Timbog ang isang lalaki dahil sa panghahablot umano ng cellphone ng isang 16-anyos na Grade 10 student sa West Fairview, Quezon City. Ang suspek, natunton matapos makuhanan ng isang nagmalasakit na rider.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, isinalaysay ng ina ng biktima na naglalakad ito Lunes ng hapon kasama ang kaibigan sa bahagi ng West Fairview.

Nang ilabas saglit ng menor de edad ang cellphone para mag-chat sa kaniyang ina, dito na nanghablot ang suspek, na sakay ng motorsiklo.

Agad nakapag-report sa kapulisan ang mag-ina, dala-dala ang mga larawan na nakuhanan ng isang nagmalasakit na motorista, na nagsilbing susi para agad matunton ang salarin.

Nadakip sa follow-up operation ng pulisya sa Barangay Santa Lucia ang suspek na si Michael Degras.

Nakuha mula sa suspek ang isang baril na kargado ng mga bala at ang ginamit niyang motorsiklo, na tumugma sa larawang nakunan ng nagmalasakit na motorista.

Gayunman, hindi na nabawi ang ninanakaw na cellphone na may halagang mahigit P20,000. Naibenta na raw ni Delgras ang cellphone sa halagang P1,500.

Itinanggi ng suspek na may nakuhang baril sa kaniya.

Mahaharap ang suspek sa reklamong robbery-snatching at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to the Omnibus Election Code. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News