Sa pangunguna ni Jordan Clarkson na nagpasabog ng 34 puntos, naitala ng Gilas Pilipinas ang una at huli nitong panalo sa 2023 FIBA Basketball World Cup kontra sa China, 96-75.
Ang huling laro ng Gilas sa nagpapatuloy na World Cup ay ginanap sa makasaysayang Smart Araneta Coliseum nitong Sabado ng gabi.
Tila nagising si Clarkson mula sa isang kalamangan ng China sa pagsisimula ng ikatlong quarter, 39-40, at bumomba ng 24 puntos para ibigay sa Gilas ang 22 na kalamangan patungo sa ikaapat na quarter, 73-51.
Labing-dalawa sa mga puntos ni Clarkson na naghatid sa Gilas ng 20-4 birada ay mula sa apat na magkakasunod niyang tres.
Sa huli at ikaapat na quarter, nagawa lang China na matapyasan ng hanggang 17 puntos ang kalamangan ng Gilas.
Tila naging gabi ng Gilas ang laro kontra sa China dahil buwenas sa mga offensive rebounds at naipapasok pa ang bola.
Dahil sa panalo, naiwasan ng Pilipinas na maitala sa kasaysayan ng World Cup bilang host contry na walang naipanalong laban kahit isa.
Pawang kinapos sa laban ang Gilas kontra sa Dominican Republic, Angola, Italy at South Sudan.
Tinapos ni Clarkson ang kaniyang World Cup journey na may personal tournament-best na 34 points, tatlong assist, dalawang rebound, at isang steal.
Nag-ambag naman si Rhenz Abando ng 14 puntos, limang rebound, isang steal, at isang tapal. Kumamada naman ng 12 puntos si Kai Sotto, at 11 puntos ang galing kay Dwight Ramos.
Sa panig ng China, nanguna sa kanila ang Minnesota Timberwolves forward na si Kyle Anderson, na kilala bilang si Li Kaier, na may 17 points, nine rebounds, at five assists.
Ang mga puntos:
Pilipinas 96 - Clarkson 34, Abando 14, Sotto 12, Ramos 11, Fajardo 9, Pogoy 7, Edu 5, Thompson 4, Aguilar 0, Raveno 0.
China 75 - Li 17, Zhang 13, Hu 12, Zhao R. 12, Zhou 5, Cui 2, Fu 2, Zhu 0, Wang 0, Zhao J. 0.
Quarters: 16-16, 39-40, 73-51, 96-75.
—FRJ, GMA Integrated News