Ipatutupad simula sa Setyembre 5, 2023 ang executive order (EO) No. 39 ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na nagtatakda ng price cap sa bigas.
Inihayag ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Biyernes, na magsisimulang ipatupad ang naturang kautusan kapag nailathala na ito sa mga pahayagan na may pambansang sirkulasyon.
Batay sa kautusan, hindi dapat lumampas sa P41.00 ang presyo ng kada kilo ng regular milled rice, at P45.00 naman sa kada kilo ng well-milled rice.
Pero ang ibang nagtitinda ng bigas, nangamngamba na hindi nila kayanin ang itinakdang presyo ng Palasyo dahil mas mataas ang kanilang puhunan.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras," sinabi ng ilang nagtitinda ng bigas sa Commonwealth market sa Quezon City, na nasa P49-P51 ang kuha nila sa ibinebenta nilang bigas kada kilo.
"Paano yung plastic namin, yung tao namin, yung puwesto namin, saan namin siya kukunin? Kung pipilitin nila kaming magtinda ng P41 [per kilo] hindi na kami magtitinda ng bigas," ayon sa isang tindera.
Ayon kay Federation of Free Farmers Cooperatives national manager Raul Montemayor, posibleng tumigil na muna sa pagbebenta ng bigas ang iba na hindi kakayanin ang itinakdang presyo ng gobyerno.
“If traders/millers cannot sell at that price, then either they will stop selling rice, or they will shift to, or rebrand, their rice products to grades other than regular milled rice or well milled rice in order to evade the price cap,” ani Montemayor.
Naniniwala naman ang Kilusang Mangbubukid ng Pilipinas (KMP) na kaya pang ibaba ang price cap.
“Sa totoo lang, kaya pang ibaba ng mas mababa kaysa sa P41 at P45 ang presyo ng kada kilo ng regular milled rice at well milled rice, kung susundin lang ang rule of thumb sa pagtatakda ng presyo ng bigas,” anang KMP.
"Halimbawa, kung nabili ng rice traders sa median price na P19 hanggang P22 kada kilo ang palay at idagdag pa ang mga mga gastusin sa milling, drying, hauling, transportasyon at iba pa, kung babatay sa rule of thumb, dapat nasa P30 hanggang P37.40 lang ang magiging presyo ng kada kilo ng bigas,” paliwanag nito.
Nanawagan ang KMP sa pamahalaan na habulin ang rice cartel na nagmamanipula umano sa presyo at suplay ng bigas sa merkado. -- FRJ, GMA Integrated News