Inihayag ng kaibigan ni Jemboy Baltazar na posibleng may tama na ng bala ang biktima bago pa man "tumalon" sa ilog dahil sa nakita niyang dugo sa bangka. Tila sagot ito sa tanong ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun na sumuri sa bangkay ng binatilyo at nakita ang tama ng bala nito sa kamay at mukha.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate public order and dangerous drugs committee sa sinapit ng 17-anyos na si Baltazar, na binaril at napatay ng mga pulis matapos mapagkamalang suspek sa krimen, sinabi ng kaibigan ng biktima na si Sonny Boy Augustilo na may napansin na siyang dugo sa bangka bago pa "tumalon" sa tubig ang binatilyo.
Sa naunang kuwento ni Augustilo, sinabi niya na papalaot sana sila ni Baltazar at nasa bangka na nang dumating ang mga pulis.
Sa takot umano ni Baltazar, tumalon ang kaibigan sa tubig at nagpaputok ang mga pulis. Hindi raw siya binaril dahil itinaas niya ang kaniyang mga kamay.
“Sa sobrang takot po ni Jemboy nahakbang po siya nung tumalon tapos kung saang tubig na bumagsak dun po siya pinagbabaril nang ilang beses po,” ani Augustilo.
Pero nang usisain ng mga senador si Augustilo tungkol sa naturang kuwento, inihayag nito na may dugo na sa bangka bago pa man tumalon ang kaniyang kaibigan.
“Nung pahakbang, tumalon si Jemboy, may nakita akong dugo doon sa bangka. Nu’ng pahakbang po siyang tumalon, may tama na po pala siya,” paglilinaw niya.
Nang linawin pa ni Senador Raffy Tulfo ang pangyayari, sinabi ni Augustilo na, “May nakita po akong bakas ng dugo sa butas eh.”
“Sa butas pa lang siya ng bangka patalon pa lang po siya pinagbabaril na po siya… may nakita po ako bakas ng dugo doon nakakalat eh,” patuloy niya.
Itinanong naman ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, kung tumalon ba sa tubig si Baltazar dahil sa takot, o kung nahulog ito sa tubig dahil may tama na ang kaibigan?
Sagot ni Augustilo, “Tinamaan po siya ng bala e.”
Idinagdag ni Augustilo na hindi siya tumalon sa tubig dahil hindi siya marunong lumangoy. Sa halip, sumigaw siya na sumusuko na siya.
“Sumusuko na po, sumisigaw na po ako na susuko na ako. Habang sumisigaw po ako pinapuputukan pa rin nila ako,” dagdag niya.
Tanong ni Raquel Fortun
Sa nakaraang panayam sa kilalang forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun na nag-awtopsiya sa bangkay ni Baltazar, nagpahayag siya ng pagdududa na binaril at tinamaan ang biktima habang nasa tubig na.
Ayon kay Fortun, isang tama ng bala sa kanang kamay at isa sa taenga na tumagos sa ilong ang tinamo ni Baltazar.
“‘Yung kamay, because of the location, this is what we call a defense-type injury. And I heard accounts that he held his hands up in surrender, and that is a defensive stance,” paliwanag ni Fortun sa isang ulat ng "24 Oras Weekend" noong Agosto 12.
Sa death certificate ng biktima, nakasaad na tama ng bala at pagkalunod ang ikinamatay ni Baltazar. Maaari pa umanong naisamba ang buhay nito kung hindi nahulog sa tubig.
“In the news accounts may nakikita na akong conflicting version... kesyo tumalon daw siya sa tubig, nahulog daw siya sa tubig, at pinagbababaril sa tubig. Teka muna, parang asintado ito. Sa ulo talaga, sa kamay talaga. Totoo ba yan?" puna ni Fortun.
“Kasi kung blindly nagpaputok ka sa isang tao sa tubig... the chest naturally is a bigger target, wala kaming nakitang bala naiwan doon sa body. Lusutan talaga, through and through yung dalawang tama niya," dagdag niya.
Puna sa SOCO
Sa naturang pagdinig sa Senado, sinabi ni Nicanor Guillermo, tiyuhin ni Baltazar at kumuha sa katawan nito mula sa ilog, na may nakita siyang basyo ng bala sa bangka at bakas ng dugo nang linisin nila ito ni Augustilo.
Ipinakita naman ni Sen. Risa Hontiveros ang larawan na kuha umano ng residente na makikita ang dugo sa bangka.
Pinuna ni Sen. Dela Rosa ang mga awtoridad na sumuri sa pinangyarihan ng krimen kung bakit wala silang katulad na kuha ng larawan.
Paliwanag ni Sergeant Aurelito Galvez, na kasama sa investigating team, hindi na sila nakakuha ng mga larawan dahil gabi na nang dumating sila sa lugar.
“Gabi po kasi nung nag-respond kami. Gabi na po yun, alas singko umabot po ng gabi kaya hindi po kami nakaakyat sa bangka,” ani Galvez.
Sinabi naman ng isang opisyal ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na malakas din umano ang ulan nang sandaling iyon.
“Negative po, sir kasi during that time, umuulan po talaga. Ang lakas po ng ulan,” ani Police Major Sonny Boy Tepace.
Ikinainis naman ni Dela Rosa, dating PNP chief, ang naturang paliwanag.
“Scene of the Crime Operations. So dapat nakuha ninyo ‘to kung talagang seryoso ang pag-imbestiga ninyo,” sabi ni Dela Rosa.
“Mawawala ba ang dugo na ‘yan kung gabi na? Kung hindi hugasan ‘yan hindi ‘yan mawawala…Tingnan mo. Sibilyan pa ang nagpakita ng picture na ganyan. Anong masasabi nila sa atin ngayon d’yan? We are inefficient with our job. We are ineffective… Simple dugo yan but it says a lot. Kayo, SOCO, hindi niyo nakita?” patuloy niya.
Naniniwala si Hontiveros na ang dugo sa bangka ay indikasyon na binaril si Baltazar bago pa man mapunta sa tubig.
"Ang sabi niyo nga po, 'yung dugong 'yan says a lot. At 'yung na pinakasine-say niyan ay kung talagang sa tubig lang bumaril, dapat walang dugo sa bangka," giit niya.
"So ibig sabihin, nasa bangka pa lang sina Jemboy at Sonny Boy, may natamaan na. Kasi dumugo sya diyan e," dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Police Captain Mark Joseph Carpio, team leader ng mga pulis, sa naturang pagdinig ng Senado, na hindi nila nakita sa bangka si Baltazar at sa tubig lang nagpaputok ang mga tauhan niya.— FRJ, GMA Integrated News