Umabot na sa 22 ang inaalagaang pusa ng isang residente sa Parañaque City kung saan karamihan ay mga pusang gala o rescued cats. Subalit tila matitigil na ito matapos pagbawalan ng kanilang village condominium ang pagpapakain sa mga ito.
Sa ulat ni Katrina Son sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing panata ng pamilya ni Ney Ongpauco ang pag-aalaga ng stray cats o pusang ligaw.
Napalapit aniya kay Ongpauco ang mga ito matapos niyang makita na ang ilan ay nasasagasaan o itinataboy.
“We started na nagpapakain, and then when we saw ‘yung si March, ‘yung may motor deficiency, we thought na he was not gonna survive kung nasa labas siya, kasi merong incidents na nasagasaan even dito sa loob ng village. That was the start kaming mag-rescue,” aniya.
Magmula noon, nakiisa ang kaniyang pamilya sa isang grupo sa kanilang lugar na nag-aalaga sa community cats.
Maingat nilang ipinatutupad ang Trap-Neuter-Vaccinate-Return Program, kalakip ang isang kasunduan mula sa admin ng kanilang village condominium.
Ngunit laking gulat nina Ongpauco nang biglang ipagbawal ang pagpapakain sa community cats.
“We feel really bad na merong feeding ban, especially that came at the time na sunod-sunod po ‘yung bagyo. Pinagbawalan na po kaming magpakain so which means nagugutom po ‘yung mga pusa,” sabi ni Ongpauco.
Itinakda sa halagang P3,000 ang multa sa unang paglabag, P7,000 sa ikalawa, at P10,000 sa ikatlo.
Humingi na ang grupo nina Ongpauco ng tulong sa barangay tungkol dito.
Ayon naman sa barangay, dapat na-coordinate sa kanila ang resolution ng homeowners dahil maaaring may mga aspeto itong taliwas sa mga regulasyon at multang ipinatutupad ng barangay.
Katunayan, isa sa mga binibigyang pansin ng barangay ang stray animals.
Sinubukan ng GMA Integrated News na kunan ng panig ang pamunuan ng naturang village condominium, ngunit tumanggi silang magbigay ng pahayag.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News