Timbog ang isang 70-anyos na lalaki sa Parañaque City matapos magpanggap na tauhan ng National Bureau of Investigation at nananakot sa mga biktimang may hit o watchlist entry sa ahensiya.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood ang agarang pagsunggab ng mga tauhan ng NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division (AOTCD) sa suspek na si Wilfredo Reyes sa labas ng isang kainan nitong Biyernes.
Dinakip si Reyes na nakasuot pa ng NBI jacket matapos makumpirmang hawak na nito ang marked money.
“Kunwari tutulungan niya ‘yung ating victim na maalis ang isang hit sa NBI clearance, pero peperahan lang niya ito,” sabi ni Atty. Jerome Bomediano, chief ng AOTCD.
Nakuha kay Reyes ang isang pekeng NBI ID, badge at baril na walang permit to carry outside of residence.
Naglabas din ng certification ang NBI na hindi nila tauhan ang suspek. Inaalam din ng ahensiya kung mayroon pa siyang ibang nabiktima.
Nahaharap sa patong-patong na reklamo ang suspek, na sinusubukan pang kunan ng pahayag ng GMA Integrated News. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News