Pinaniniwalaang kabilang ang pinuno ng Wagner mercenary group na si Yevgeny Prigozhin sa mga sakay ng isang private jet na bumagsak sa Russia. Nangyari ito dalawang buwan matapos ang naunsiyaming pag-aaklas ng grupo niya laban sa mga pinuno ng militar ng bansa.
Sa ulat ng Reuters, sinabing base sa emergency situations ministry ng Russia, bumibiyahe ang eroplano mula Moscow patungong St. Petersburg, nang bumagsak ito sa Kuzhenkino sa Tver Region.
Walang nakaligtas sa 10 sakay nito.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang liderato ng Kremlin o ang Defense Ministry tungkol sa posibleng sinapit ni Prigozhin, na pinuno ng Wagner group na kabilang sa puwersa ng Russia na umatake sa Ukraine.
Pero ilang buwan lang ang nakararaan nang maglabas ng inis si Prigozhin laban sa mga namumuno ng militar ng Russia kaugnay sa kakulangan umano ng suporta sa kaniyang grupo.
Hanggang nitong Hunyo, tumigil ang grupo si Prigozhin sa pag-akupa sa teritoryo ng Ukraine na kanilang nasakop. Nagdeklara pa siya ng pag-aaklas laban sa liderato ng militar pero hindi rin natuloy matapos ang negosasyon.
BASAHIN: Russian mercenary boss Prigozhin takes Russian city amid 'armed mutiny'
Ang bahay na kinaroonan ng opisina ng Wagner group sa St Petersburg, inilawan ang bintana pagsapit ng dilim at nalagyan ng giant cross bilang tanda ng pagluluksa at respeto sa kanilang pinuno.
May mga nag-alay din ng mga bulaklak at kandila malapit sa naturang opisina.
Sa pagkawala ni Prigozhin, naiwan ang Wagner Group na walang pinuno. Hindi rin tiyak kung ano mangyayari sa operasyon ng grupo sa Africa at iba pang lugar.
Ang bumagsak na eroplano na Embraer Legacy 600 executive jet ay nakapagtala lang isang aksidente sa nakalipas na 20 taon, ayon sa website na International Aviation HQ.
Batay sa flight-tracking data, walang palatandaan ng problema sa eroplano hanggang sa bigla itong bumulusok na naganap sa loob ng 30 segundo.
Ayon sa ilang residente kung saan bumagsak ang eroplano, nakarinig sila ng "bang" at nakita nila ang bumabagsak na eroplano.-- Reuters/FRJ, GMA Integrated News