Sa ikalawang pagkakataon sa loob ng isang linggo, isa na namang mananaya ang masuwerteng tumama sa Ultra Lotto 6/58 draw nitong Biyernes, Agosto 11, 2023.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office, nakasaad na P49,500,000.00 ang napanalunan ng isang mananaya na nakahula sa lumabas na kombinasyon ng mga numero na 50-46-57-40-04-19.

Sa Facebook page ng PCSO, nakasaad naman na may isang mananaya lang ang tumama ng 2nd prize na nagkakahalaga ng P120,000.00.

Sa draw ng Ultra Lotto 6/58 noong Agosto 8, isang mananaya rin ang tumama ng jackpot na P87,051,450.20 nang mahulaan niya ang lumabas na mga numero na 18-22-30-55-26-05.

Samantala, sa isa pang draw nitong Biyernes, Aug. 11 para sa Megalotto 6/45, wala namang tumama sa lumabas na mga numero na 10-13-42-01-06-24, at may nakalaang premyo na P50,807,683.60.-- FRJ, GMA Integrated News