Patay ang isang pulis, habang dalawa ang sugatan matapos na magwala umano ang isa sa kanila habang nasa loob ng police station sa Taguig City nitong Lunes ng tanghali.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Super Radyo dzBB,  kinilala ang nasawi na si Police Executive Master Sergeant Heriberto Saguiped.

Sugatan naman si Police Corporal Alison Sindac, at ang suspek na si Police Chief Master Sergeant Alraquib Aguel.

Nangyari ang insidete sa Community Affairs Section Office ng nasabing police station sa Taguig kaninang tanghali.

 

 

Batay sa paunang impormasyon, sinabi ng awtoridad na nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Aguel at Saguiped, na humantong sa pamamaril ni Aguel kay Saguiped, na nasawi habang dinadala sa ospital.

Tinangka umano ni Sindac na umawat pero siya man ay binaril umano ni Aguel. Kahit nasugatan si Sindac, nagawa rin niyang mabaril ang suspek na dahilan para masugatan din.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente at inaalam ang dahilan ng pagwawala ni Aguel na humantong sa pamamaril.— FRJ, GMA Integrated News