Sinabi ni Senador Cynthia Villar na magdudulot ng anim hanggang walong metro [na katumbas ng hanggang three-story building] na baha sa Las Piñas City at mga kalapit na lugar ang isinasagawang Manila Bay reclamation proejcts. Giiit pa ng senadora, developer ang kanilang pamilya pero hindi sila nagre-reclaim para tayuan ng pabahay.
“Like the experience of Las Piñas, mayroon po kaming apat na river dito sa Las Piñas, Parañaque, Bacoor—Molino, Zapote, Las Piñas, Parañaque. ‘Pag itinuloy po ang reclamation in our part of Manila Bay, wala pong lalabasan ‘yung tubig ng ating apat na river at prinedict na po na babaha kami ng six to eight meters. Ang six meters po is three-story building,” sabi ni Villar panayam ng GMA News Unang Balita nitong Lunes.
Ayon kay Villar, chairperson ng Senate environment and natural resources committee, na taong 2010 pa niya tinututlan ang naturang proyekto.
“Simula pa noong 2010, lumalaban na kami sa reclamation kasi ayaw po naming bumaha ang lugar namin. Kasi ‘yang reclamation, pag nagawa na ‘yan, paano natin tatanggalin ‘yan? Di na natin matatanggal kaya bago mangyari dapat lalabanan na natin,” paliwanag niya.
Sinabi ng senadora na ipinaalam na niya kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, ang kaniyang pangamba.
“Nu’ng una, lumapit ako kay President at tsaka kay Secretary Loyzaga. Pinakita ko ‘yung mapa ng proposed reclamation in our part of Manila Bay,” pahayag niya.
“Sinabi ko sa kanila na kami ay legislated protected area. We are entitled to a buffer zone of three kilometers provided for by the DENR. Kaya kailangan ‘wag mag-reclamation doon sa three-kilometer buffer zone namin,” giit ni Villar.
“Kung ganito po ang nangyayari na ‘di na lang ako ang nagko-complain, marami nang nagko-complain, I guess we have to prepare for a public hearing,” sabi pa niya.
Tungkol sa kaugnayan ng pamilya ni Senador Sherwin Gatchalian sa reclamation project sa Manila Bay, sinabi ni Villar na hindi niya pa ito tinatalakay nang personal sa kaniyang kapuwa senador.
“Hindi ko naman kinakausap kasi personal n’ya ‘yan, baka sabihin nila pinepersonal ko sila. Ako naman protection ng cities around Manila Bay, ‘yun naman ang habol ko,” paliwanag niya.
“Kami developer din kami. ‘Di kami nagre-reclaim madali naman bumili ng lupa, maraming lupa sa Pilipinas. Bakit tatabunan ang dagat para magkalupa?” tanong niya.
Sa isang forum nitong nakaraang linggo, sinabi ni Gatchalian na hindi siya sangkotl sa reclamation project ng kaniyang pamilya sa Manila Bay.
Sang-ayon naman si Villar sa pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pinadali ang pag-award sa kontrata ng reclamation project.
“In a period of one year, 21 [Environmental Compliance Certificate]. How can you do that?” tanong pa ni Villar.
Ipinaalala rin ni Villar ang inilabas na mandamus ng Korte Suprema noong 2000 na inaatasan ang 13 government agencies na linisin ang Manila Bay para mapaliguan.
“Ngayon tatambakan lang pala nila ang Manila Bay. Ano ang use ng mandamus na ‘yon?” saad niya.
Hinihina rin ng senadora na may kaugnayan ang reclamation projects sa nangyaring pagbaha kamakailan.
“Common sense, ‘di ba?” ayon kay Villar.
Tinatayang 5,000 hektaryang bahagi ng Manila Bay ang kakailanganing tabunan ng lupa para sa 13 reclamation projects na inaprubahan. — FRJ, GMA Integrated News