Hinigpitan ang mga telco at internet provider sa pagkakabit nila ng mga kable sa mga poste ng Meralco sa Binondo, Maynila, matapos bumagsak ang siyam na poste sa isang barangay.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend, sinabing siyam na poste ang bumagsak sa Barangay 289 noong Huwebes, kaya naghigpit muna ang barangay sa pagbibigay ng permiso sa mga telco at internet provider na magkabit ng kable sa mga poste.
“Nagsabi rin po ang Meralco na dapat merong right to attach na galing sa kanila,” sabi ni Nelson Ty, chairman ng Barangay 289.
“Hindi naman talaga kami lumuwag diyan. Talagang kami we followed the standards, but we also need to look into may mga nagsampay ba without our permission, without the local government’s permission,” sabi ni Joe Zaldarriaga, spokesperson ng Meralco.
Lumabas sa imbestigasyon ng mga natumbang poste na tinitingnan kung matibay ang kinatatayuan ng unang bumigay na poste.
Base pa sa inspeksiyon ng Barangay 289, lumabas na dalawang poste ang tinukoy na maaaring maging mapanganib sa publiko, tulad na lamang ng isang kahoy na poste ng telco na numipis na ang base at meron nang mga crack.
Iniulat na ito ng barangay sa Meralco noong nakaraang taon ngunit pansamantalang suporta lamang ang ikinabit. Peligroso na ito dahil marami nang kable ang nakakabit. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News