Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang saksakin ng barbecue stick sa leeg ang isa pang lalaki na naaangasan umano siya sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing habang nagpapagamot sa isang ospital sa Novaliches, positibong kinilala ng biktima ang suspek na si Jommel Marimla, 25-anyos.

Agad nakapag-report ang asawa ng biktima sa mga awtoridad, kaya nadakip ng pulisya ang suspek sa Barangay Gulod.

Base sa salaysay ng biktima, bibili lamang siya ng sabon sa tindahan nang lumapit sa kaniya ang suspek at sinaksak siya nito sa leeg.

Sinabi ng pulisya na hindi magkakilala ang dalawa at isang buwan pa lamang naninirahan ang biktima sa lugar.

“Sa investigation namin ang lumalabas na motibo rito sa ginawa niyang pagsaksak dito sa victim natin, sabi niya is napagtripan niya lang daw, naangasan lang daw siya rito sa victim natin,” sabi ni Police Captain Melchor Tomulto, Shift Patrol Supervisor ng QCPD Station 4.

Umamin din ang suspek na nakainom siya nang gawin ang pananaksak.

“Pasensiya na lang po sa nangyari, hindi ko naman ho sinasadya eh… Naangasan lang po ako, nabangga lang po ako tapos nagawa ko po,” anang suspek.

Nahaharap ang suspek sa reklamong frustrated murder. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News