Walang saplot at tadtad ng saksak sa katawan nang matagpuan ang bangkay ng isang babae sa loob ng kuwarto ng isang hotel sa Cubao, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing Linggo ng madaling araw nang makita ang bangkay ng 24-anyos na biktima.

Nagtamo umano ang babae ng hindi bababa sa 13 saksak sa katawan.

Ayon sa pulisya, ang attendant sa hotel ang nakadiskubre sa bangkay nang may makita itong mga bakas ng dugo.

Lumilitaw sa imbestigasyon na nag-alok umano ng "serbisyo" ang babae sa kasama nitong lalaki nang pumasok sila sa hotel.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen pero wala umanong nawala sa gamit ng biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin. --FRJ, GMA Integrated News