Arestado ang nasa 16 na kabataang skateboarders, kabilang ang 10 menor de edad, sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig dahil sa panggugulo. Ang isa sa kanila, nahulihan pa umano ng marijuana.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News “24 Oras” Weekend, sinabing batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinita ng mga security marshall ng BGC ang grupo ng skateboarders matapos silang ireklamo dahil pag-iingay at magugulo sa isang commercial district sa 9th Avenue dakong 8 pm noong Sabado.
Matapos komprontahin ng security marshall, nanlaban umano ang grupo at nagpapaputok ng isang uri ng labintador. Dito na humingi ng tulong ang mga security personnel sa Taguig City Police para hulihin ang mga suspek.
“Nung sinaway sila ng mga marshall natin, inasar-asar pa nila o minura-mura po nila ‘yung mga marshall natin. Hinagisan sila ng mga paputok,” ani Fort Bonifacio Substation Deputy Commander Police Captain Jefferson Sinfuego.
Narekober mula sa mga suspek ang hinihinalang marijuana na may kasamang pinatuyong dahon ng duhat at balat ng sigarilyo. Itinanggi naman ng suspek ang alegasyon at sinabing lomboy o duhat daw ito.
Nahaharap ngayon ang mga naarestong kabataan sa alarm and scandal at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act.
Hindi ito ang unang beses na nakagirian ng mga security marshalls ang mga skateboarder, ayon sa pulisya.
Sa isang viral video, makikita na nakikipag-away ang isang BGC Security personnel sa miyembro ng isa pang grupo ng skateboarders sa lugar.
“Ang nakita lang natin sa viral na video sapakan. Hindi ipinakita ‘yung nagske-skateboard, ‘yung bata dun sa mga platform dun, mga elevated doon na area which is nakakasira sa gamit,” sabi ni Police Colonel Robert Baesa, Taguig Chief of Police.
“They're using ‘yung BGC facilities. Nasisira. Inaawat po sila ng guard since hindi naman po ito skateboard area. Ngayon po sila, pinagmumura pa nga po yung guard natin. ‘Yun nga napikon ‘yung guard until such time, nagkaroon na ngang sakitan,” dagdag niya.
Nakikipag-ugnayan ang GMA Integrated News sa security marshall para sa kaniyang pahayag. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA Integrated News