Nasawi ang isang barangay chairman matapos siyang pagbabarilin ng lalaking kaniyang sinaway sa Sariaya, Quezon.

Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB, kinilala ang biktima na si Benedicto Robo, 62-anyos at kapitan ng Brgy. Guisguis San Roque.

Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Crame mula sa Quezon Provincial Police Office, kumakain ang kapitan sa labas ng basketball court ng barangay nang lapitan at komprontahin siya ng suspek na kinilalang si Marvin Flores nitong Biyernes ng gabi.

Ilang saglit pa, pinagbabaril na nang malapitan ng suspek ang kapitan.

Agad na tumakas ang salarin matapos ang pamamaril samantalang dinala sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay habang ginagamot.

Base sa inisyal na imbestigasyon, bago nangyari ang pamamaril, pinagsabihan ng kapitan ang suspek dahil sa pagiging pasaway umano nito.

Humantong ito sa pagtatalo hanggang sa umalis na lamang ang kapitan para hindi na lumala ang away, ngunit binalikan pa rin siya ng suspek at pinagbabaril.

Patuloy ang manhunt operation ng mga awtoridad para matunton ang kinaroroonan at mahuli ang tumakas na suspek. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News