Nanawagan ang ilang mga bus driver na higpitan ang paggamit ng EDSA Busway, dahil marami pa ring mga motorista ang sumisingit kahit ekslusibo lamang ito para sa mga bus ng EDSA Carousel.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkules, makikitang dumadaan pa rin ang mga kotse, taxi, van, at mga motorsiklo sa innermost lane ng EDSA, na nakalaan lang dapat para sa EDSA Carousel.
Ang isang bus driver, nanawagang dagdagan pa ang barrier ng EDSA Carousel para hindi na makalusot o makasingit ang mga motorista.
Umabot sa 100 mga motorista ang hinuli sa operasyon ng InterAgency Council for Traffic (I-ACT) nitong Martes dahil tila ginagawa nilang express lane ang EDSA Busway.
Sinabi ng I-ACT na government-marked vehicle o ambulansya lamang ang puwedeng dumaan sa busway bukod sa mga EDSA Carousel bus.
Tineketan ang mga nahuling motorista dahil sa mga violation nilang disregarding traffic sign at entering the busway na may multang hindi bababa sa P1,000.
Binigyan din sila ng demerit points sa paglabag sa batas trapiko, na kapag naubos ay puwedeng masuspinde o mabawi ang kanilang lisensya. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News