Arestado ang isang lalaki sa Pasig City na nahaharap sa kasong panggagahasa umano sa isang menor de edad noong nakaraang taon.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong nitong Martes, makikita ang paghabol ng Special Operations Unit ng Eastern Police sa taxi kung saan nakasakay ang suspek na si Mark Alexis Calabia, 25-anyos, at ika-anim sa top most wanted ng Eastern Metro Manila.

Ang biktima ay isang menor de edad na babae na kaibigan ng kaibigan ng biktima.

Ayon sa reklamo, inimbitahan umano noon ng suspek ang biktima sa bahay nito para sa isang salu-salo na kasama umano ang iba pang mga kaibigan.

Pero ayon sa ama ng dalagita, nang pumunta ang kaniyang anak sa bahay ng suspek, wala itong inabutan na ibang tao.

Sinabihan umano ng suspek ang biktima na nasa kuwarto ang mga tao.

“Pagdating sa loob ng kuwarto, bigla siyang tinulak sa kama, du’n na siya pinilit,” anang ama ng biktima.

Ayon pa sa ama ng biktima, hindi lang isang beses nangyari ang panghahalay umano na ginawa sa kaniyang anak. Tinatakot umano ng suspek ang biktima na may mangyayari rito kung hindi magpupunta sa bahay niya.

Sinabi ng pulisya na nahaharap si Calabia sa dalawang count ng rape, bukod sa isa pang sexual assault.

Nauna nang naaresto ang dalawang kasamahan si Calabia, habang patuloy na sinisikap ng GMA Integrated News na makuhanan ng panig ang mga nadakip.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News