Patay ang isang menor de edad habang dinala naman sa dalawang ospital ang 24 na iba pang residente matapos magkaroon ng ammonia leak at sunog sa isang cold storage facility sa Navotas City nitong Lunes ng gabi.
Dinala ng ambulansiya ang 16-anyos na biktima sa ospital ngunit kalaunan ay binawian ito ng buhay, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.
Ayon naman sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Navotas, aalamin pa ng mga awtoridad kung ang pagkamatay ng menor de edad ay dahil sa nasabing ammonia leak.
Pasado alas-onse ng gabi ng Lunes nang nagsilabasan mula sa cold storage facility sa M. Naval Street sa Barangay NBBN ang mga empleyado nito matapos silang makaamoy ng ammonia.
"Parang may something na ano, masama sa ilong. Naaamoy namin kaya pinalabas na kami," ani Larry Soriano, empleyado ng cold storage facility.
Agad rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP) upang isara ang valve at makontrol ang ammonia leak.
Pero matapos ang isang oras, may pagsabog at sumiklab ang sunog.
Itinaas ng BFP ang ikatlong alarma, na ibig sabihin ay kinakailangang 15 na fire truck ang dapat rumesponde.
Umakyat na sa bubong ng mga katabing gusali ang mga tauhan ng BFP para maapula ang apoy.
Ammonia leak at sunog sa isang cold storage facility sa Brgy. NBBN Navotas, iniimbestigahan pa ng BFP. 23 residente ang isinugod sa ospital matapos mahirapang huminga. Isang 16yo ang nasawi pero inaalam pa kung may kinalaman sa insidente. @gmanews pic.twitter.com/PzvMpCkWEg
— James Agustin (@_jamesJA) June 19, 2023
Naideklara ang "fire out" bago mag-alas dos ng madaling araw ng Martes.
Naisara naman ng mga tauhan ng BFP ang valve kung saan tumatagas ang ammonia noong 1:42 a.m. ng Martes ng madaling araw.
Natunton ang pinanggagalingan ng ammonia leak sa control room kung saan may iba't ibang klase ng makina.
"It was assessed na medyo strong 'yung leak so we tried to manage it. Ang problema, 'yung pressure du'n sa pipes where the ammonia sir [was] coming out, 'yun 'yung nahirapan kaming i-manage. Sumabog 'yung malaking portion du'n sa kung saan nakabuga ang ammonia," ani Navotas Fire Marshal Fire Superintendent Jude Delos Reyes.
"So ini-stop ko muna operations. So nagkaroon tayo ng evacuation muna, after which binalikan natin kasi pagsabog, nag-cause naman siya ng sunog," aniya.
Inaalam pa ng BFP ang sanhi ng sunog.
24 dinala sa ospital
Ayon sa Department of Health (DOH), 11 na indibidwal ang dinala sa Tondo Medical Hospital. Labingtatlo naman ang dinala sa Navotas City Hospital. Ang mga dinala sa ospital ay nakaranas ng hirap sa paghinga, pagsusuka at kawalan ng malay.
Dagdag pa ng DOH, ang East Avenue Medical Center, sa pamamagitan ng Toxicology Referral and Training Center nito, ay nag-abiso sa mga ospital kung paano ang treatment na gagawin sa mga pasyente.
Nakatanggap naman ng 11 na referral calls kaugnay sa insidente ang National Poison Management and Control Center ng Philippine General Hospital.
Ayon sa DOH, ang mataas na lebel ng ammonia sa hangin ay maaaring magdulot ng irritation sa balat, mata, lalamunan, at baga, at puwede ring magdulot ng ubo at paso sa balat (burns).
“Ammonia is used as a refrigerant gas, for the purification of water supplies, and in the manufacture of plastics, explosives, textiles, pesticides, dyes, and other chemicals. Most people are exposed to ammonia from inhalation of the gas or vapors,” ani DOH.
“The first aid is to immediately rinse and decontaminate the skin and eyes with copious amounts of clean water. Treatment consists of supportive measures and can include the administration of oxygen, bronchodilators, and airway management,” dagdag ng DOH.
Pansamantalang isasara
Samantala, pansamantalang isasara naman ang cold storage facility habang iniimbestigahan ang pangyayari.
"First of all, it will be closed pending investigation at saka assurance na safe na siya. So ang unang mangyayari diyan, isasara muna ng Business Permits o BPLO [Business Permits and Licensing Office]," ani Navotas City Representative Toby Tiangco.
Kinukuha pa ng GMA Integrated News ang pahayag ng may-ari ng cold storage facility hinggil sa insidente.
Ayon naman sa CDRRMO, magsasagawa ng inspeksiyon nitong Martes ang BPLO upang alamin kung may violations ang kompanya. —KG, GMA Integrated News