Sa kulungan ang bagsak ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo matapos mangholdap ng isang babaeng call center agent sa Central Avenue, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, makikita na hindi na nakapagpigil ang babaeng biktima at pinagsusuntok ang dalawang lalaking suspek na nangholdap sa kaniya.
Ayon sa 25-anyos na biktima, pauwi na siya sa trabaho at hinihintay ang kaniyang asawa nang mangyari ang insidente.
Dumaan ang mga suspek sa kaniyang harapan at tinutukan umano siya ng kutsilyo ng isa sa mga ito.
Nakuha ang kaniyang cellphone at wallet na may lamang P3,000.
Nagsisigaw ang biktima at nakahingi ng tulong sa mga pulis kaya nahuli ang backrider na si Christopher Decinilla.
Nabawi rin mula kay Decinilla ang ginamit na patalim.
Nadakip sa Batasan sa isinagawang follow-up operation ang isa pang suspek na si Ralph Bertulfo. Nakuha sa kaniya ang isang baril na kargado ng mga bala at ang ginamit na motorsiklo.
Ngunit hindi na nabawi ang mga ninakaw nila sa biktima.
Dati na ring nakulong sa Caloocan si Bertulfo dahil sa robbery-holdup.
Mahaharap ang dalawa sa reklamong robbery habang may karagdagang reklamo kay Bertulfo na illegal possession of firearms at illegal possession of deadly weapons naman kay Decinilla.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News