Arestado ang isang lalaki matapos siyang magpanggap na tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa kaniyang pangingikil sa Cubao, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Biyernes, makikita ang pagdakip sa lalaki ng mga tauhan ng (Criminal Investigation and Detection Unit) ng QCPD matapos niyang tanggapin ang napagkasunduang halaga.
Inireklamo siya ng may-ari ng isang van na na-impound noong nakaraang buwan dahil colorum umano ito.
Kinausap ng suspek ang may-ari, na humingi ng P50,000 para sa pag-release ng sasakyan.
Lumabas sa imbestigasyon ng QCPD na hindi ito ang unang beses na nadawit sa modus ang lalaki.
Nahaharap ang suspek sa reklamong robbery-extortion at usurpation of authority.
Sinubukan ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang lalaki, na hindi humarap sa media. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News