Pansamantalang inilikas sa Del Pan evacuation center sa Maynila ang 40 pamilyang naapektuhan ng pagtumba ng puno sa gilid ng Estero de Magdalena.
Iniulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes na nadurog ang ilang mga bahay sa pagtumba ng puno ng balete sa estero madaling-araw noong ika-18 ng Mayo, na ikinasawi ng dalawang residente.
Lima katao rin ang napaulat na nasugatan sa insidente.
Dagdag ng ulat, may ilang mga residenteng ayaw umalis sa nasira nilang mga bahay dahil nais nilang bantayan ang kanilang mga ari-arian.
Bigla lamang umanong natumba ang puno kahit walang hangin at ulan kaya hindi naabisuhan ang mga biktima, ayon sa isang residente ng lugar.
Walong bahay ang nasira, pero apektado ang lahat ng 40 pamilya na nakatira sa gilid ng Estero de Magdalena.
Ayon lokal na pamahalaan ng Maynila, matagal nang nakaplano ang relocation ng mga nakatira sa lugar pero naantala dahil sa pandemya. —LBG, GMA Integrated News.