Nasabat ng mga awtoridad ang mahigit P300,000 hala ng "shabu" sa isang drug buy-bust operation sa Quezon City.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes na ang droga ay itinago sa isang eletric cooker, at nabisto ito sa isang buy-bust operation sa Barangay Apolonio Samson ng lungsod.
Kinailangan pang tanggalin ang mga tornilyo sa likurang bahagi ng appliance, at nang mabuksan ito, tumambad sa mga operatiba ng QCPD Station 1 ang mga sachet ng pinaghihinalaang shabu na nakabalot ng tape.
Inaresto ang subject ng drug buty-bust operation na si Richard Brizo, na siyang nag-abot ng appliance na may lamang droga sa pulis na nagpanggap na buyer.
Nakuha sa kanya ang nasa 50 gramo ng "shabu" na nagkakahalaga ng P340,000.
Ayon sa mga pulis, sa Quezon City lang daw nagbebenta ang suspek. Ang binabagsakan ng shabu ay mga kapwa niya rin umanong mga nagbebenta ng droga.
Ito na ang ika-apat na beses na makukulong si Brizo dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Kalalaya lamang daw ng suspek noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —LBG, GMA Integrated News