Hinoldap umano ng isang lalaki ang delivery rider na nag-deliver ng kanyang inorder na item. Tinutukan pa umano ng Samurai sword o Katana ng suspek ang biktima.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing inaresto sa reklamong pangho-holdup ang suspek na kinilalang si Rvee Dela Cruz sa kanya mismong bahay sa Commonwealth, Quezon City.
Positibong kinilala ng biktima si Dela Cruz.
Ayon sa biktima, omorder ang suspek ng relo online, at siya rin umano ang nag-book ng rider na magdadala ng kanyang order.
Ayon kay Police Maj. Kenneth Leaño, Batasan Police Station commander, "Nung dumating ang biktimang rider sa harap ng bahay ng suspek, agad siyang tinutukan ng espada (Katana), at pilit na kinuha ang item na hindi binabayaran."
"Natakot ang rider at ibinigay na lang ang order, at saka nagtungo sa istasyon," dagdag ni Leaño
Nabawi mula sa suspek ang relo na nagkakahalaga ng P15,000. Nakuha rin ang ginamit na Samurai sword.
Ito na umano ang ikalawang beses na makukulong ang suspek na nahuli sa Pasay City noong 2021 sa kasong pagtutulak ng iligal na droga, ayon kay P/Maj. Leaño.
Nang hingian ng pahayag, sinabi ng suspek, "Bahala na po ang lawyer ko na sumagot sa mga katanungan ninyo."
Mahaharap ang suspek sa reklamong robbery. —LBG, GMA Integrated News