Arestado ang isang Indian sa Payatas, Quezon City matapos umano itong mang-holdup.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng mga pulis na ika-limang beses na itong pagkahuli ng suspek dahil na parehong krimen.
Lahat ng mga biktima niya, ayon sa ulat, ay mga kapwa niya Indian.
Sa ulat ni James Agustin, kinilala ang suspek na si Sandeep Singh, at ang pinakahuling biktima niya ay kapwa niya Indian na naniningil sa kanyang mga pautang sa lugar.
Pahayag ni Police BGen. Nicolas Torre III, director ng Quezon City Police District (QCPD), "Ayon sa biktima, bigla umano siyang tinabihan ng suspek, tinutukan ng baril at kinuha ang kanyang pera. Pero napansin ng biktima na mukhang plastik ang baril ng suspek at kalahi niya. Kaya, hinawakan niya ang suspek. Nagkagulo, hanggang sa dumating sa lugar ang rumespondeng mga pulis."
Inaresto si Singh ng mga tauhan ng QCPD Station 13. Nabawi mula sa kanya ang ninakw na P2,500 at isang gun replica.
Natagpuan din ng mga operatiba ang isang hand grenade sa bahay ng suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon na ito na ang ika-limang beses na nang-holdup si Singh. Ang mga nauna niyang mga biktima ay mga kapwa niya Indian na nagpapautang din.
Limang taon nang naninirahan sa Pilipinas ang suspek, ayon sa ulat. Wala siyang komento sa mga alegasyon laban sa kanya.
Mahaharap si Singh sa mga reklamong robbery, illegal possession of explosives, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —LBG, GMA Integrated News